Psst! May Kumakatok

Sa isang iglap na pagdanas ng pighati at kalumbayan
Ay nilimot, nilisan hindi na binalikan-
Ang pusong umasa,
Naghangad at nangarap.

Sa mga salitang binitiwan,
ay iningatan at pinanghawakan
Nang walang pag-aalinlangan
Sa mundo mong lulan ng kaguluhan
Dahil sabi mo- Ako ang bahagharing
nagbigay kulay sa mundo mo
Ako ang mapang nagbigay direksyon
sa magulong buhay mo

Ngunit, tila ba ikinahon ng panahon
at mga pagkakataon
Ang mga salitang inipon nang ilang taon
I'kay sumuko at hindi na muling bumangon

Tila Ako muta sa iyong mga mata
Na kailanma'y hindi mo nakita
Tila Ako isang mahika na sa iyo'y nagpamangha
Ngunit kailanma'y hindi naniwala
– Image from Google –
Hindi mo ba alam o sadyang nilimot mo lang
Hindi mo ba ramdam o sadyang manhid ka lang?
Sa katotohanang - ilang beses ng narinig
Ilang beses ng sinambit pero hindi pa rin batid

Mahal kita, oo mahal kita
Dahil ikaw, oo ikaw
Ikaw ang dahilan ng pagparito
Ikaw ang dahilan ng kalbaryo

Ngayon sasabihin ko sa'yo kung sino Ako;

Ako ang tubig na papawi sa uhaw mo,
Ako ang bato na masasandalan mo sa gitna ng bagyo
Ako ang ilaw na magbibigay tanglaw sa madilim mong mundo
Ako ang kapayapaan sa napapagal mong puso

Kumakatok Ako-
Kumakatok sa puso mo
Kumakatok sa pinto ng buhay mo
Papapasukin mo ba Ako?

Leave a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Scroll to Top